Deuteronomy 28:1-14

Ang Pagpapala sa Pagsunod

(Lev. 26:3-13; Deu. 7:11-24)

1“Kung lubos ninyong susundin ang Panginoon na inyong Dios at gagawin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon, gagawin niya kayong nakakahigit sa lahat ng bansa rito sa mundo. 2Kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, mapapasainyo ang lahat ng pagpapalang ito:

3“Pagpapalain niya ang mga lungsod at mga bukid ninyo. 4Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani at maraming hayop. 5Pagpapalain niya kayo ng masaganang ani at pagkain. 6Pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. 7Ipapatalo ng Panginoon sa inyo ang mga kaaway na sasalakay sa inyo. Sama-sama silang sasalakay sa inyo pero magkakanya-kanya sila sa pagtakas. 8Pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa ninyo at pupunuin niya ng ani ang mga bodega ninyo. Pagpapalain niya kayo sa lupaing ibinibigay niya sa inyo. 9Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios, gagawin niya kayo na pinili niyang mamamayan, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos at mamumuhay ng ayon sa kanyang pamamaraan. 10At sa ganoon ay malalaman ng lahat ng tao sa mundo na pinili kayo ng Panginoon, at matatakot sila sa inyo. 11Pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong ani. 12Padadalhan kayo ng Panginoon ng ulan sa tamang panahon mula sa taguan ng kayamanan niya sa langit, at pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. Magpapautang kayo sa maraming bansa, pero kayo ay hindi mangungutang. 13Gagawin kayo ng Panginoon na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod lang. Lagi kayong nasa itaas at hindi sa ilalim kung susundin ninyong mabuti ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14Kaya huwag ninyong susuwayin ang alinman sa iniuutos ko sa inyo sa araw na ito, at huwag kayong susunod sa ibang mga dios at maglilingkod sa kanila.

Copyright information for TglASD